Unti unting napapawi ang lamig sa paligid. Dahan dahang umaamo ang panahon. Lumiliwanag ang madalas na makulimlim na himpapawid. Tapos na nga ang taglamig. Panahon na ng tagsibol, Ilang sandali na lang at muli na namang magbabalik ang dating buhay na tila kinitil ng lamig na nagdaan.
Nitong mga nakaraang buwan, Naging ugali ko ng tingnan ang puno sa tapat ng bahay namin. Naging ugali ko ng titigan ang punong ito dahil tanaw ito sa bintana ng apartment namin. Tuwing umaga pagbinubuksan ko ang blinds ay napapatitig ako sa punong to. Malaki, mataas, isang nilikha na tumatawag ng respeto. Naiisip ko kung ilang makasaysayang parte na ng buhay ng mga tumira dito ang nasaksihan ng punong ito. Ilang tuwa,galak, kabiguan at sikreto ang tahimik na pinakinggan at tinago nito.
Pero sa kabila ng lahat ng ito, sa kabila ng katatagan at lakas, ay bigla siyang nawawalan ng buhay pagsapit ng taglamig. Ang mga sangang hitik ng dahon ay unti unting nalalagas hanggang sa mawalan ng buhay. Naiisip ko tuloy minsan kung talagang buhay pa ito.
Sa ngayon ay nasa taglamig ako ng buhay. Pilit akong nagpapakatatag, pilit tumatayo sa gitna ng hagupit ng lamig ng buhay. Andito ako sa amerika, magkakalahating taon na. Buong pagaakala ko ay magiging madali ang buhay ko dito. Pero hindi lahat nangyari ayun sa inaakala ko. Hirap akong makakuha ng trabaho sa ngayon. Inabutan na ako ng mga multong ginawa ko nung mga nagdaang panahon ng buhay ko. Gaya ng puno sa taglamig parang tumigil ang buhay ko pagdating ko dito. Nawala ang buhay na alam ko sa isang iglap.....
Saka ko naisip bigla ang puno. Oo sa isang tingin ay mukhang wala na itong buhay. Pero sa loob ay patuloy na kumukuha ng sustansya ang malalaking ugat nito sa lupa. Patuloy na nabubuhay, Patuloy na naghihintay ng tagsibol.
Saka ko maiisip si kat na patuloy na gumagabay sa akin. Ang pamilya kong alam kong sumusuporta sa akin sa lahat ng bagay at ang mga kaibigan kong patuloy kong sinasandalan sa taglamig. Sila ang mga ugat ko. Ang mga nakatagong tagapagbigay buhay ko.
Tapos na ang taglamig muling manunumbalik ang lakas at tikas ng puno. Ganun din ako, alam kung konti na lang tagsibol na sa buhay ko. Konting panahon na lang. Konting tatag na lang.....
Sunday, March 11, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment